Miyerkules, Disyembre 3, 2014

Elehiya sa Kamatayan ng Aking Kapatid

Elegy on the Death of my Brother
ni Naljorpa
Bhutan, September 3, 2010
Isinalin sa Filipino ni Teresita F. Laxima


Hindi pa panahon!
Sa gulang na dalawampu't isa, na punong-puno ng buhay.
Malungkot niyang paglalakbay, ngayo'y hindi na matanaw.
Panganay na anak, taglay ang hindi na mabilang na pangarap.
Sa gitna ng di natupad na pangarap at di naipadamang pag-ibig.
Natapos na ang burol.
Sa gitna ng makulimlim na panahon.
Paniwalaa't dili, may pagkabagabag at panghihinayang.

Ano ang tanging naiwan
Nakakuwadradong mga larawang-guhit, poster at kinunang larawan.
Aklat, talaarawan at mga damit.
Wala nang dapat pang ayusin,
Isang ulilang teheras.
Natapos na, sa pagitan ng mga luha, mapait na kapalaran.
Ang maamong mukha, ang malamyos na tinig.
Ang matinis na halakhak,
Mga ligayang di-malilimot.

Patuloy ang pagdarasal
Kasama ang pagdadalamhati, pagluha at pagsisisi
Upang magkaroon ng kapayapaan ang kanyang walang hanggang pagpapahinga
Mula sa di mabilang na mga taon ng paghihirap
Sa pagtuklas ng karunungan naging mailap,
Sa paghanap ng magbibigay-katuparan sa pinakamimithing edukasyon,
Luha'y natuyo, lakas ay pumanaw.
Ano ang kinahantungan
Ang hiram na buhay, tuluyang nawala!

Pema, ang imortal na pangalan.
Mula sa nilisang nangungulilang tahanan
Walang naiwan, ni imahe, ni anino, ni katawan!
Balana'y nagluksa at nagsisiyukod,
Maging pananim ay kumakaway ng pamamaalam, ang tag-araw tahimik na tumatangis.
Ganoon din ang lahat ng nag-alay ng dakilang pagmamahal,
Ang isang anak ng aking ina, kailanma'y hindi na masisilayan pa
Ang katuparan ng minimithing pangarap!

Photo credits: https://encrypted-tbn2.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcTXvmc6EpQVjEpnfseJU7Wo_hxm5LqAT26SEGJ0jMxkJDP1PA1x

Huwebes, Nobyembre 6, 2014

Teksto: Nagkakaiba,Nagkakapareho sa Maraming Aspekto


Isa ang India sa mga bansang nasa Timog Asya. Hindi lingid sa karamihan na ang bansang ito ay may napakaraming tradisyon. Halos sa loob ng apat na libong taon ay tila hindi nagbago ang mga kinagisnang tradisyon ng mga Hindu. Ang mga ito ang pumukaw sa interes ng mga dayuhang manlalakbay. Nagtatanong, nagtataka kung ano nga ba ang ibig sabihin ng mga ito. Halimbawa, ang Namaskar o Namaste ay ang pinakatanyag na uri ng pagbati ng mga Hindu. Ito ay parehong isinasagawa kapag bumabati sa pagdating o kaya ay namamaalam. Pinagdaraop nila ang kanilang dalawang palad at inilalagay sa ibaba ng mukha.

Samantala, kabilang naman sa Silangang Asya ang bansang Singapore. Dati itong kabilang sa bansang Malaysia ngunit nagsarili lamang noong 1965. Iba-iba ang nasyonalidad at kultura ng mga naninirahan sa bansang ito subalit lahat ay may kalayaan sa wika at sa relihiyon upang magkaroon ng pagkakaisa. Iginagalang ng bawat isa ang paniniwala ng iba kaya’t kahit magkakaiba ang paniniwala ng mga Singaporean, hindi ito naging hadlang sa kanilang pag-unlad. Sa halip na magkawatak-watak, humanap sila ng paraan upang makita ang magagandang katangian ng kanilang kultura para mapaunlad pa ang kanilang bansa. Bukas na bukas sa pagbabago at kaunlaran ang bansang ito kaya maraming dayuhan mula sa mayayamang bansa ang nangangalakal dito kahit pa mahigpit ang pagpapatupad ng kanilang mga batas dito. Mahigpit na sinusunod ng lahat ang mga batas maging ng mga mamamayan o ng mga dayuhan man.

Sadyang mabilis ang pagsulong ng kaunlaran sa bansang ito. Idagdag pa ang katotohanang isa ito sa mga sentro ng teknolohiya.

Sa dalawang bansang nakapaloob dito, maaaring may mas nakahihigit sa kanilang mga katangian bilang isang bansa. Maaaring pareho sila sa ibang bagay subalit may mga pagkakaiba. Halimbawa, higit na mas mabilis ang pag-unlad ng isa sa isa, lalong maraming tradisyon ang isa sa isa, parehong maunlad sila pagdating sa wika, at pareho itong kabilang sa mga bansa sa Asya.

Nagkakaiba man sa maraming bagay,nagkakatulad naman sa ibang aspekto.

Photo credits: http://www.worldatlas.com/webimage/countrys/asnewzzz.gif

Lunes, Nobyembre 3, 2014

Epiko: Rama At Sita (Isang kabanata )


Epiko - Hindu ( India)
(Isinalin sa Filipino ni Rene O. Villanueva)

Sa gubat tumira sina Rama, Sita at Lakshamanan nang ipatapon sila mula sa kaharian ng Ayodha. Minsan, isang babae ang dumalaw sa kanila. Hindi nila alam, nagpapanggap lamang ang babae. Siya ay si Surpanaka, ang kapatid ni Ravana, na hari ng mga higante at demonyo. “ Gusto kitang maging asawa”, sabi nito kay Rama. “ Hindi maaari sabi ni Rama, “ may asawa na ako”Narinig ni Sita ang dalawa kaya lumabas siya. Niyakap ni Rama si Sita sa harap ni Surpanaka.Nagselos nang husto si Surpanaka. Sa galit ay bigla siyang naging higante. Nilundag niya si Sita para patayin. Pero mabilis na nayakap ni Rama ang asawa at agad silang nakalayo kay Surpanaka, siya namang pagdating ni Lakshamanan.

“Sige patayin mo siya!” sabi ni Rama. Binunot ni Lakshamanan ang kanyang espada at nahagip niya ang tenga at ilong ng higante. “Sino ang may gawa nito?”, sigaw ni Ravana nang makita ang ayos ng kapatid. Nagsinungaling si Surpanaka kay Ravana para makaganti kay Rama. Sinabi niyang nakakita siya ng pinakamagandang babae sa gubat at inalok niya itong maging asawa ni Ravana pero tumanggi ang babae. Nang pilitin daw niya, tinagpas ng isang prinsipe ang kanyang ilong at tenga.“Tulungan mo ako, Ravana,” sabi pa nito.”Bihagin mo si Sita para maging asawa mo.” Naniwala naman si Ravana sa kuwento ng kapatid. Pumayag siyang ipaghiganti ito.

Ipinatawag ni Ravana si Maritsa. May galing si Maritsa na mabago ang sarili sa kahit anong anyo at hugis. Nang malaman ni Maritsa na sina Rama at Lakshamanan ang magkakalaban, tumanggi itong tumulong. “Kakampi nila ang mga Diyos.”, Sabi ni Maritsa.

“Kailangan umisip tayo ng paraan kung paanong makukuha si Sita nang hindi masasaktan sina Rama.” Nakumbinsi naman si Ravana kaya nag-isip sila ng patibong para maagaw nila si Sita.
Isang umaga habang namimitas ng bulaklak, nakakita si Sita ng isang gintong usa. Tinawag agad niya sina Rama at Lakshamanan para hulihin ang usa na puno ng mamahaling bato ang sungay.” Baka higante rin iyan,” paalala ni Lakshamanan. Dahil mahal na mahal ang asawa, kinuha ni Rama ang kanyang pana at busog. “ Huwag mong iiwan si Sita kahit ano ang mangyari,” bilin ni Rama sa kapatid. Parang narinig ng usa ang sinabi ni Rama. Agad itong tumakbo kaya napasigaw si Sita. “ Bilis! Habulin mo ang gintong usa!”

Matagal na naghintay ang dalawa pero hindi pa rin dumarating si Rama. Pinilit ni Sita si Lakshamanan na sumunod sa gubat. Hindi, kailangan kitang bantayan,”sabi nito. Ilang oras pa silang naghintay nang bigla silang nakarinig ng isang malakas na sigaw. Napaiyak si Sita sa takot pero ayaw pa ring umalis si Lakshamanan kaya nagalit si Sita.” Siguro gusto mong mamatay si Rama para ikaw ang maging hari.” sabi nitokay Lakshamanan. Nasaktan si Lakshamanan sa bintang ni Sita. Para patunayang mahal niya ang kapatid, agad siyang sumunod sa gubat. Wala silang kamalay-malay na sa labas ay naghihintay si Ravana.

Sa gubat, napatay ni Ravana ang usa at bigla itong naging si Maritsa. Nagpanggap naman si Ravana na isang matandang paring Brahmin. Nagsuot ng kulay kahel na roba at humingi siya ng tubig kay Sita. Hindi nakapagpigil si Ravana. “Bibigyang kita ng limang libong alipin at gagawin kitang reyna ng Lanka,” sabi ni Ravana. Natakot si Sita at nabitiwan ang hawak na banga!

Itinulak ni Sita si Ravana. Bumalik sa anyong higante si Ravana. Hinablot ni Ravana ang mahabang buhok ni Sita at isinakay sa karwaheng hila ng mga kabayong may malalapad na pakpak. Nagsisigaw at nanlaban si Sita pero wala siyang magawa. Lihim na nagsisi si Sita sa ginawa niya kina Rama at Lakshamanan. Itinapon niya ang mga bulaklak sa kanyang buhok. Nagdasal siya na sana ay makita iyon ni Rama para masundan siya at mailigtas.

Mula sa isang mataas na bundok, narinig ng isang agila ang sigaw ni Sita. Hinabol ng ibon ang karwahe ni Ravana. Pinagtataga ni Ravana ang agila at duguan itong bumagsak sa lupa.

Pabalik na sina Rama at Lakshamanan nang makita nila ang naghihingalong agila. “Dinala ni Ravana ang asawa mo sa Lanka,” sabi nito bago mamatay. Sinunog ng magkapatid ang bangkay ng agila.Pagkatapos ay naghanda sila upang sundan ang hari ng mga higante sa Lanka. Dinala ni Ravana si Sita sa Lanka, ang kaharian ng mga higante at demonyo. “Mahalin mo lang ako ay ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kayamanan.” Sabi ni Ravana. Pero hindi niya napasuko si Sita.

Hiningi ni Rama ang tulong ng hari ng mga unggoy para salakayin ang Lanka. Sa labanang naganap, maraming kawal na unggoy ang napatay pero mas maraming higante ang bumagsak na pugot ang ulo. Hinanap ni Rama si Ravana at silang dalawa ang naglaban.

Matagal na naglaban sina Rama at Ravana hanggang sa mapatay ni Rama ang hari ng mga higante. Tumakas ang iba pang mga higante nang makita nilang patay ang kanilang pinuno. Umiiyak na tumakbo si Sita sa asawa. Nagyakap sila nang mahigpit at muling nagsama nang maligaya.

Photo credits: http://weddingsinindia.files.wordpress.com/2010/07/4420314343_d495fcfa3c.jpg

Biyernes, Oktubre 3, 2014

Aralin 2.4: Niyebeng-itim

Niyebeng-itim
ni Liu Heng
Isinalin sa Filipino ni Galileo S. Zafra


Paparating na ang bisperas ng Bagong Taon. Nagpakuha ng litrato si Li Huiquan sa Red Palace Photo Studio, isang bagay na ayaw na ayaw niyang gawin, dahil pakiramdam niya, lalo pa siyang pinapapangit ng kamera. Sinabihan na siya ni Tiya Luo na sapat na ang apat na piraso, ngunit nag-order siya ng labinlima. Nagulat ang klerk.

“Kinse?”

“Kinse nga.”

“Hindi kami siguradong maganda pa rin ang litrato kapag ganoon karami.”

“Gusto ko sabi ng kinse!”

May pagkainis na sa kanyang boses at iyon lamang ang magagawa niya para mapigilan ang sarili na suntukin ang pangang iyon. Nag-order siya ng kinse para hindi na siya bumalik pa sa susunod at ikinabuwisit niya ang ituring na kahangalan ang ganito.

Nang bumalik siya para kunin ang litrato, mas kabado siya kaysa nang kunin niya ang mga abo ng kanyang ina sa crematorium. Tumalikod siya at lumakad papalayo dala ang balutang papel nang hindi pa muna sinusuri ang litrato, at nang nag-iisa na lamang, dinukot niya ang laman . Labinlimang magkakatulad na litrato ang hawak niya, bawat isa ay nakatitig sa kanya nang may pare-parehong hitsura. Sa kabuuan, mas maayos ang kinalabasan kaysa kanyang inaasahan. Parang mas manipis ang kaniyang labi dahil nakatikom, nakatitig ang mga mata niya. Hindi mo masasabing pangit. Sa katunayan, mas guwapo siya kaysa sa maraming tao. Wala siyang reklamo.

Dinala siya ni Tiya Luo sa komite sa kalye kung saan pinagpasa-pasahan sila. Nakipag-usap sila sa iba’t ibang tao hanggang sa isang may katandaang opisyal ang nagbigay rin sa kanya ng lisensya para sa kariton. Hindi naaprobahan ang kanyang aplikasyon para sa lisensya sa pagtitinda ng prutas dahil puno na ang kota. Ang mga kontak ni Tiya Luo ay hindi makatulong o ayaw nang tumulong. Mayroon na lamang lisensya para sa tindahan ng damit, sombrero at sapatos. Wala nang

pakialam si Huiquan kung anuman ang maaaring itinda. Ang mahalaga, mayroon siyang magawa. Nabalitaan niyang mas madali ang pagtitinda ng prutas, mas mabilis ang kita; mas mabagal naman sa damit, at mas mababa pa ang tubo. Nabalitaan din niyang kailangan niya ng maayos na tindahan o koneksiyong blackmarket para talaga mapatakbo ito. Ngunit handa siyang sumubok. Kailangang
palakasin niya ang kanyang utak, at di matatakot magtrabaho, maaayos ang lahat. Kahit maliit ang kikitain niya, hindi naman liliit pa iyon sa natatanggap niya bilang ulila, hindi ba? Bahala na.

Paglabas nila mula sa compound ng gobyerno, nakabangga nila ang isang matabang mama na tinawag ni Tiya Luo na Hepeng Li. Sabi ni Tiya Luo kay Huiquan na tawagin itong Tiyo Li. Walang ideya si Huiquan kung hepe ito ng ano at kaninong tiyo ito, ngunit naaalala niya rito ang matatabang sumo wrestler ng Hapon.

“Hindi ka ba magpapasalamat kay Tiyo Li sa lahat ng tulong niya?”

Magalang na yumuko si Huiquan, isang ugaling natutunan niya sa kampo.Kailangang yumuko ang mga bilanggo sa lahat ng guwardya, inspektor, at tagamasid na nakikipag-usap sa kanila o nakatingin man lang sa kanila- iyon ang pagsasanay. Ginagawa na niya iyon dahil nakasanayan na. Ngunit halos di siya napansin ng mama -- tila ito isang lalaking tumitingin ng kung anong paninda.

Pakiramdam ni Huiquan ay isa siyang basurahan o isang pirasong basahan na nais magtago sa isang butas.

“Ito ba siya?” tanong ng matabang mama kay Tiya Luo.

“Mabait siyang bata, tulad ng sabi ko. Tingnan mo’t namumula na siya.”

Napatawa ang mama habang itinuon ang tingin kay Huiquan.

“Alam mo ba kung paano ka nakakuha ng lisensya gayong maraming retirado at walang trabaho ang di-makakuha?”

“Dahil … dahil kailangan ko ng trabaho?”

“Iyon lang ba?” mapanlibak ang ngisi ng mataba.

“Dahil isa akong ulila?”

“Kinakalinga ka ng pamahalaan; tiyak kong alam mo iyan. Huwag kang manggugulo at huwag kang sakim… nagkamali ka na. Kalimutan mo na iyon, dahil kapag umulit ka, wala nang tutulong sa iyo.”

“Gagawin ko anuman ang ipag-utos ng pamahalaan.”

Isa na naman sa maraming islogan sa kampo. Nakabilanggo pa rin ang kaniyang isip at damdamin kahit pinalaya na siya sa kampo. Kahit si Tiya Luo ay tumangu-tango. Saan man siya magpunta, laging may nagsasabi sa kaniya kung ano ang dapat at di-dapat gawin; sa pagtingin sa kanya nang mababa, umaangat ang kanilang sarili. Namalagi siya sa bilangguan. Sila ay hindi at nararamdaman niya na ang mga babala, panlalait, at paalala ay para lang sa kaniya; gamitin ang ihian, walang dudura, bawal pumasok, limang yuan na multa - lahat ay patungkol sa kaniya at tanging sa kanya lamang. Habampanahon na may magpapahirap sa kaniyang buhay, magtuturo sa kaibahan niya at ng ibang tao, hihila sa kanya paibaba. Gusto niyang lumaban, pero wala siyang lakas. Kaya magpapanggap siyang tanga, umiiwas sa mga nagmamasid at nagmamatyag, Maraming taon na
naman niyang ginagawa ito.

Masayang naglakad si Tiya Luo, di-pansin ang tamlay sa mukha ni Huiquan habang nakasunod ito na parang bilanggo.

“Halos Bagong Taon na. Pwede kang manatili ngayong bagong taon sa amin.”

“Salamat, pero maayos na po ako…”

“Sa palagay ko’y matutuwa na ang ina mo. Kung buhay siya, ipapangalandakan niya -- negosyante na ang anak ko; maganda ang kinabukasan niya; hindi na siya katulad nang dati. Gusto kong pasalamatan mo ang nanay mo.”

“Sige po.”

“Bahala ka kung gusto mong mag-isa ngayong Bagong Taon pero hindi ibig sabihin na pwede kang uminom.”

“Huwag kayong mag-alala.”

“Hindi na maaga para mamili para sa Bagong Taon. Isda, manok – kung ano-ano pa. Kung hindi ka marunong magluto, pumunta ka rito at tuturuan kita. Dapat lang na maayos ang Bagong Taon mo. Pagkatapos, dapat magtrabaho na. Ayusin mo at hahanapan kita ng nobya. Ano sa palagay mo, bata?”

“Kayo ang masusunod.” Ngumiti siya ngunit matamlay. Ang isang yari sa kahoy at canvass na ambi ay aabot ng sandaan o mahigit pa; kung may tatlong gulong, dagdag na tatlong daan pa mahigit. Wala nang matitira para sa paninda. Hindi pa nga nagsisimula’y kailangan na niyang humugot sa naipon ng kaniyang ina. Kinabahan siya dahil wala na itong atrasan.

Isa o dalawang araw bago ang Bagong Taon, nakakita siya ng kakarag-karag at lumang tatluhang gulong na sasaksyan sa East Tsina Gate Consignment Store na 230 yuan ang halaga. Ayos ang presyo pero napakasama ng kondisyon at di-masasakyan. Mukhang maayos ang balangkas- kahit paano’y napanatili ang hugis; walang gulong, pero mapakikinabangan pa rin ang gilid at rayos ng gulong; walang kuliling , walang kadena, at walang tapakan, ngunit may preno at pedal. Hindi siya makapagpasya at pinag-isipan niya sa lahat ng anggulo. Nalibot na niya ang buong bayan. Ang mga bagong sasakyan ay nagsisimula sa apat na raan, wala naming ipinagbibiling umaandar pang segunda mano. Sa isang groseri, nakakita siya ng isang sasakyang yari sa kawayan na mukha namang matibay, ngunit parang may mali rito. Kung magtitinda siya ng damit, kakailanganin niya ang tatluhang gulong – para naman presentable.

“Gusto mo nito? Para saan?”

Lumapit ang klerk sa kaniya.

“Kariton para sa mga damit.”

“Tamang-tama. Hindi ka magsisisi. Kung poste ng telepono, o kongkreto. O iba pang katulad, hindi ko ‘to irerekomenda. Pero para lamang pala sa ilang tumpok ng damit. Di ka gagastos ng higit sa sandaan sa pag-aayos nito, at pwedeng tumagal pa ng lima, anim na taon.”

“Bakit di-gumagalaw?”

“Matigas ang preno. Aayusin ko.”

Ibinigay ni Huiquan ang pera, at kinaladkad ang walang gulong na sasakyan mula East Tsina Gate patungong Dongsi, at mula roon, papuntang Chaoyong Gate. Dahil sa kanyang natatanging sasakyan, naging sentro siya ng atensyon, bagaman hindi naman nakapipinsala ang mga tingin sa kanya. Matapos bumili ng ilang parte sa pagawaan ng bisikleta sa labasan ng Chaoyong Gate Boulevard, tinulak niya ang kanyang sasakyan patungong East Lane ng Kalyeng Spirit Run papasok sa gate ng bilang 18. Ang berdeng bayong na nakasabit sa kalawanging hawakan ng sasakyan ay napuno ng tinimplang baka, dalawang pinakuluang manok, may yelong isda, apat na paa ng manok at isang bote ng alak – hapunan para sa Bagong Taon. Binili niya at madaling nakuha dahil ayaw na ayaw niyang nakapila at wala naman siya talagang hinahanap para sa kanyang hapunan. Mas iniintindi niya ang kaniyang sasakyan, ang kanyang bagong kaibigan, ang kaniyang tahimik na kasama.

Inimbitahan siya ni Tiya Luo para maghapunan, bisperas ng Bagong Taon. Dumaan ito habang naglalagare siya ng kahoy, nakalambitin sa kaniyang bibig ang isang pirasong manok. Tumanggi na muna siya. May naamoy ang Tiya at inangat nito ang takip ng palayok. Pinalalambot ang paa ng manok sa kumukulong sabaw. Walang makikitang berde – hindi balanseng pagkain. Sira na ang manggas ng kaniyang panlamig; puno ng kusot ang kaniyang sapatos at laylayan ng pantalon; marumi at mahaba ang kaniyang buhok. Naawa si Tiya Luo sa kaniya, ngunit tumanggi pa rin si Huiquan. Ginagamit pa rin niya ang kahoy na iniwan ni Hobo, desididong gumawa ng magandang patungan para sa kaniyang sasakyan.

Bumalik si Tiya Luo para imbitahan siyang manood ng TV – nakatatawang palabas at iba pang kawili-wiling programa. Hindi dapat palampasin. Ngunit umiling siya, hindi man lang tuminag sa kaniyang paglalagare.

“Marami pa po akong gagawin.”

“Hindi makapaghihintay kahit pagkatapos ng Bagong Taon.”

“Mas gugustuhin kong patapusin ninyo ako...”

“Marami namang panahon. Huwag mong tapusin agad lahat. Di ka dapat magpagod, Bagong Taon pa naman.”

Sa umpisa, panaka-naka ang mga paputok, ngunit dumalas ang ingay at pagsapit ng hatinggabi, akala mo’y sasabog na ang mundo. Ibinaba ni Huiquan ang lagare at nagsalin ng alak. Matagal na pinalambutan ang paa ng manok kaya halos matanggal na sa buto ang mga laman nito. Tama naman ang pagkaluto, medyo matabang, marahil, kaya nilagyan niya ng kaunting toyo ang plato at isinawsaw niya ang laman dito, at kumain at uminom siya hanggang sa mamanhid ang kanyang panlasa. Maaaninag sa kaniyang bintana sa kaniyang likod ang pula at berdeng ilaw paminsan-minsan. Karangyaan kahit saan ka lumingon, mula sa mga taong kuntento sa kanilang buhay. Ano ang balak ng milyong taong ito ? Ano ang ipinagsasaya nila?

Siguradong hindi siya kabilang sa kanila. Kung buhay si Ina, panahon iyon ng pagbabalot ng dumpling, iyong maliliit na pagkaing pumuputok sa bibig na parang kendi. Gustung-gusto niya iyon. Sa unang Bagong Taon niya sa kampo, pitumpu’t anim ang nakain niya sa isang upuan, hanggang sa mabusog siya nang sobra’t hindi na siya halos makaupo, at ginugol niya ang buong hapon sa paglalakad sa laruan. Gayunman, kahit ang alaalang ito ay hindi nakapagpasaya sa kaniya. Malagkit ang mga kamay niya dahil sa pinalambutang paa ng manok at sapin ng malagkit na baboy, at nahihilo na siya dahil sa alak.

Lumabas siya at tumayo sandali sa bakuran. Walang lamig, walang hangin. Makulay ang langit; maraming paputok sa lahat ng dako. Ang bakuran, na may mahigit sa pito o walong talampakan ang luwang, ay tulad ng balon sa ilalim ng kumikinang na bughaw na langit. Isang stereo ang bumubuga ng awit, iyong tunog na di-maintindihan. Naiisip niyang mataba at pangit ang mang-aawit. Nakapanood na siya ng ganito sa TV – magagandang boses at ngiti ngunit pangit ang hitsura nila. Kumikisay sila sa iskrin, ang mga kilos ay nagpapatingkad lamang sa kanilang kapangitan at ang mga awit nila ay ginagawang mga sigaw at halinghing. Magagandang babae lamang dapat ang ipinakikita sa TV, subalit maaaring nagkukulang na ng suplay. Bagaman lumalayo na si Huiquan sa mga babae, sumasagi pa rin sa isip niya ang imahen ng magagandang dalaga. Wala sa mga ito ang kilala niya dahil labo-labo na ang mga ito sa kanyang utak – malalabong imahen na ang intensyon ay malinaw at tiyak. May mga panahon, natatanging panahon, kung kailan pinapangarap niyang mapasasayaw niya sa kaniyang isip ang mga imahen. Ngunit sa totoong mundo man o sa mundo ng ilusyon ay hindi niya mapasunod ang mga ito. Walang magawa, napilitan siyang tanggapin ang kaniyang kahinaan.

Ang isip ni Huiquan ay nabaling sa malalaswang dingding -- dingding ng banyo na ang mga sugat ay hindi mabura, ginulping dingding na halos iguho ng malalaswang pag-atake. Kakaiba, malaswang isip at dumi ay kakatuwang napapagsama nang maayos doon, pinupuwersa siyang harapin ang maruming katawan na pinipilit niyang itago. Mag-isa sa bisperas ng Bagong Taon, idinagdag niya ang sarili niyang mga pantasya sa mga naroon sa maruruming dingding. Hindi pala ang mga babae kundi marahil sa sarili pala niya siya naririmarim.

Sa sarili niyang paraan, inalagaan niya ang kaniyang sarili. Magulo, siyempre pa, ngunit gusto niya ang gayon, lihim, ligtas, at di-komplikado. Mas maraming mapagtataguan sa kampo kaysa kaya nilang bilangin – taniman, maisan, daluyan ng irigasyon, di pa nabubungkal na bukid – na ang tanging nagmamasid sa kaniya ay ang langit sa itaas at ang lupa sa ibaba. Nang naroon na siya, wala na siyang pagtingin kay Xiaofen, kaya wala nang direksyon ang kaniyang pagkahumaling.

Bahala na. Alam niyang pinaglalaruan siya ng mga demonyo at wala siyang lakas para labanan ito.

Pagod na siya. Paubos na ang mga pagputok. Ang madalang nang pagputok ay nagpatingkad sa kalaliman ng gabi. Puno na ang mg tao ng kasiyahan, pagkain, at laro, at oras ba para matulog ang lungsod, bago magbukang-liwayway. Wala siyang kasama, at pakiramdam niya’y nawawala siya. Labas sa kaniyang mga pantasya, wala siyang makitang babae na karapat-dapat sa kaniyang pagmamahal.

Si Luo Xiaofen, wala na sa kanyang isip, ay hinding-hindi ang babaeng iyon. Hindi pa niya nakikita ito simula nang lumabas siya. Nagbabakasyon ito sa Harbin kasama ng kaniyang nobyo, isang assistant sa kolehiyong normal, at isang gradwadong mag-aaral sa matematika si Luo – isang tambalang itinadhana ng langit. Ibinalita ni Tiya Luo, masaya at nagmamalaki, na magpapakasal na ang dalawa sa Mayo.

Si Luo Xiaofen – kababata ni Hiuquan, sabay silang nagelementarya hanggang gitnang paaralan, ngunit ngayon, wala na siyang pagkakatulad. Nasa Harbin si Luo, samantalang siya, nasa kalyeng Spirit Run, sa isang madilim na sulok, gumagawa ng hamak na bagay. Ngunit ito ang tadhana.Hinahamak siyang lagi ng tadhana.

Sa unang araw ng bagong taon, pinagkaabalahan niya ang kaniyang sasakyan, sa ikalawang araw, inilabas iyon para paandarin. Tuwang-tuwang siya sa mga sisidlang ginawa niya. Nagbisekleta siya para tingnan ang mga pakyawan, para pag-aralan ang mga lokasyon nito. Sa ikalima pa ang takdang pagbubukas ng mga ito, tila pinagkaisahan siya. Walang magagawa hanggang sa araw na ito.

Matapos sumulat sa Instruktor Politikal Xue at ipadala ang liham, dumaan si Huiquan sa isang tindahan ng libro at bumili ng mga kopya ng “Mga Multo sa Isang Lumang Sementeryo at Mga Babaeng Ahas”. Pagbalik sa bahay, humilata siya’t nagbasa habang kinaing-isa-isa ang saging. Nitong mga nagdaang araw, nakaubos siya ng isang piling hanggang sa naging madulas ang kanyang bituka at napapapunta sa inodoro buong araw. Maayos naman ang mga libro; hindi lang siya makaalala ng istorya. Kaya’t binabasa niyang muli, at parang bago at kawili-wili pa rin sa ikalawang pagbasa. Matapos niyang basahing muli ang mga libro, itinabi niya ito at ang mga pader ay tila blangko at maputla. Saging pa. Itinuturing na niyang mga gago ang mga awtor. Nakababato. Gayon pa rin bukas, at may pakialam ba siya ? Ano ang pagkakaiba ng malaki at maliit na daga? Parehong pangit; parehong patagu-tago.

Ibinigay kay Huiquan ang pwesto sa may daanan sa timog ng Silangang tulay. Dito ang mga numero ay nakapinta nang puti sa mga ladrilyo na nasa isang mahabang hanay ng tigdadalawang kwadrado-yardang pwesto; ang iba ay okupado, ang iba ay hindi. Matapos niyang ayusin ang kaniyang tindahan, tinakpan niya iyon ng ambi at inayos ang kaniyang sasakyan para magsilbing harap ng tindahan. Sa bandang kaliwa niya ay ang daanang silangan-kanluran, sa bandang kanan, ang katapat nitong hilaga-timog. Nasa tapat mismo ng paradahan para sa Eastbridge Department Store. Nasa gilid siya ng alimpuyo ng mga tao, parang di humihinto.

Wala isa man lang na tumingin sa kaniyang paninda. Pagod pa sa nagdaang okasyon, ang mga dumaraan ay palaiwas o bugnutin. Ang kaniyang designasyong ay Timog 025. Hindi magandang puwesto. Siya ang ika-25 tindero ng damit sa isang mahabang yardang lugar. Ang mga tindahan ng pagkain ay nasa hilagang bahagi ng kalye, na may di kulang sa anim na nagtitinda ng inihaw na kamote at ilan pang matatandang naglalako ng malamig na dalandan at halos bulok nang saging.

Napuno ng kulay berde sa kaniyang tindahan – isang bunton ng walong kulay-olibang kasuotang pang-army. Isinampay niya ang ilan, inilatag ang iba, at isinuot ang isa. Niloko siya ng matandang lalaki sa pakyawan. Hindi maitinda ang mga kasuotan, panlamig na angora, at sapatos na gawa sa canvass. Ang naitinda lamang niya nang araw na iyon ay mga angora, madaling naubos ang dalawampung piraso. Mangyari pa, iyon ang pain para sa iba pang paninda. Ang pakyawan ay tres-diyes. Ibinenta niya ang una ng apat na yuan at ang huli, sais-beinte. Walang kinailangang magturo sa kaniya. Natuto siya nang iabot sa kaniya ng unang kostumer ang pera ; huwag kang matataranta sa pera at kalimutan mo na ang pagiging magalang. Sumigla siya, sa kung anumang dahilan; kumislap ang mata niya, at napanatag siya. Sa wakas, isang bagay itong may kontrol siya.

Gusto sana niyang magtago ng isang gora para sa sarili. Para itong Ku Klux Klan na talukbong – mga mata lamang ang makikita – at iyon ang kailangan ng nagtitinda. Pakiramdam ni Huiquan ay makapangyarihan siya, tulad ng misteryosong matanda na naglalako ng minatamisan na nakatayo sa harap ng Eastbridge Department Store, sa dinaraanan mismo ng hangin, ilang oras na walang imik, walang kibot. May mga kostumer siya – hindi marami, kaunti – ngunit hindi na matagalan ni Huiquan na panoorin siya, alam niyang maaari siyang sigawan nito kapag nagpatuloy pa siya.

“Sapatos na tatak-Perfection mula sa Shenzhen free economic zone. Sapatos, tatak-perfection, gawa sa Shenzen…”

Nagulat ang mga naglalakad sa sigaw niyang ito. Narinig na niya ang ganitong pagtawag sa Gate ng Silangang Tsina at sa Bukanang Gate, ngunit hindi niya alam kung kaya niya ang ganito. Mahirap, sa isip niya; hindi niya kaya. Ngayon, alam na niyang mali siya sa pagtantya sa sarili.

“Mga blusang Batwing! Halikayo rito ! Tingnan ninyo !”

Sa pagkakataong ito, napakasama ng tunog, ngunit tila walang nagulat. Ilan pang segundo, nasanay na ang mga mamimili sa kaniyang kakaibang sigaw. Maipagkakamaling galing sa aso o sa kotse, at hindi pa rin papansinin ng mga namimili.

“Mga blusang Batwing! Seksi, seksi, seksi, mga babae!”

Kung makasisigaw lang talaga siya ng kung anong malaswa para mapansin. Buong araw, binantayan niya ang kaniyang tindahan, mula umaga hanggang oras ng hapunan, ngunit wala siyang nabenta, isa man lang panlamig na angora o isang pares ng sapatos kaya -- wala maliban sa dalawampung angora. Kahit iyon lang, ang may katandaang babae sa kaniyang kanan ay naiingit, dahil gayong mas matagal na ito rito, naibenta lamang nito ay pares ng medyas at dalawang panyo.

Ang tindahan sa kaliwa ay binabantayan ng isang lalaking dadalawampuin na muntik nang mapaaway sa isang kostumer dahil sa isang jaket na balat. Ang sabi ng kostumer, iyon ay imitasyon; ipinilit ng tindero na tunay iyong balat. Kinusot iyon ng kostumer at iginiit na imitasyon iyon mula sa ibang bansa. Naubos na ang pasensya ng tindero. Alam ni Huiquan na tunay iyong balat, ngunit hindi siya nakihalo sa gulo. Walang dahilan para sumangkot. Nang ang lalaki ay nag-alok sa kanya ng sigarilyo, tumanggi siya. At siya naman ang nagsindi, di niya pinansin ang lalaki. Wala siyang balak na mapalapit kaninuman. Kailangang mag-ingat kapag sangkot ang ibang tao.

Siya ang huli sa hanay ng mga tindahan na nagsara ng araw na iyon. Alas nuwebe na, kalahating oras matapos magsara ang department store. Madilim ang paradahan, halos walang nagawa ang mga ilaw sa kalye; wala nang kostumer sa gabi. Nagsasara na rin ang tindahan sa tapat, na binabantayan ng dalawang lalaki, ngunit kahit gabing-gabi pa, parang ayaw pa nilang tapusin ang araw; may lungkot at panghihinayang sa kanilang tinig.

“Medyas na nylon, pasara na ! Otsenta sentimos ang isang pares … otsenta sentimos isang pares ! Paubos na ang medyas na nylon. Huling tawag ! Medyas na nylon …

Dumaan ang kanilang sasakyan sa gilid ng kalye patungo sa daan, sa direksyon ng tore ng pamilyang Hu. Pumedal ang isang tindero samantalang ang isa ay nakaluhod sa sasakyan at iwinawagayway ang isang pares ng medyas na nylon. Sandali lang ang kanilang lungkot na mabilis na pinalitan ng pambihirang tuwa. Ang kanilang mga tinig – isang mataas, isang mahina – ay iginala ng hangin sa gabi.

Sa sumunod na araw, nakabenta siya ng muffler.

Sa ikatlong araw, wala siyang naitinda.

Sa ikaapat na araw, wala pang kalahating oras pagkabukas niya ng tindahan, nakapagbenta siya ng kasuotang pang-army sa apat na karpintero na kababalik lamang sa Beijing mula sa timog. Pagkagaling sa Estasyon ng Beijing, tumungo sila sa hardware sa tore ng pamilyang Hu, at nang marating nila ang Silangang-tulay, nagkulay talong ang kanilang labi dahil sa lamig. Naligtas ang kanilang mga balat ng kasuotang panlamig ni Huiquan, at ang kanilang pera ay mabilis niyang isinilid sa kaniyang bulsa. Bago siya nakapagtinda, matamlay niyang hinarap ang negosyo, ngunit nagbigay ng inspirasyon ang pagbili ng mga karpintero. Tiyaga ang susi para sa isang buhay na matatag. Kahit sa pinakamalalang panahon, walang ibubunga ang mawalan ng pag-asa. Mas mabuting maghintay kaysa sa umayaw, dahil walang makaaalam kung kalian kakatok ang oportunidad, Hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay malas ka, hindi ba ? Nag-iisip si Huiquan.


Mula sa Raya : Pagbasa at Pagpapahalagang Pampanitikan
sa Filipino ni Aurelio S. Agcaoli,2005

Photo credits:
http://forwallpapers.com/wp-content/uploads/2013/11/Winter-Season-Snow-Road-HD-Wallpaper-Desktop.jpg

Martes, Setyembre 23, 2014

Mga babasahin para Aralin 2.3

Ang Kababaihan ng Taiwan, Ngayon at Noong Nakaraang 50 Taon
isinalin sa Filipino ni Sheila C. Molina


Ang bilang ng populasyon ng kababaihan sa mundo ay 51% o 2% na mataas kaysa kalalakihan. Maaaring isipin ng ilan na ang kababaihan ay nakakukuha ng parehong pagkakataon at karapatan gaya ng kalalakihan. Ilang kababaihan lamang sa buong mundo ang nakakakuha ng pantay na karapatan atpaggalang tulad sa kalalakihan. Ang tungkulin at kalagayan ng kababaihan ay unti-unting nagbabago sa nakalipas na 50 taon. Ito ay makikita sa dalawang kalagayan: una ang pagpapalit ng gampanin ng kababaihan at ang ikalawa ay ang pag-unladng kanilang karapatan at kalagayan. Nakikita ito sa Taiwan.

Ang unang kalagayan noong nakalipas na 50 taon, ang babae sa Taiwan ay katulad sa kasambahay o housekeeper. Ang tanging tungkulin nila ay tapusin ang hindi mahahalagang gawaing-bahay na hindi natapos ng kanilang asawa. Ang mga babae ay walang karapatang magdesisyon dahil sa kanilang mababang kalagayan sa tahanan.

Ngayon, nabago na ang tungkulin ng mga babae at ito ay lalong naging komplikado. Sa bahay ng mga Taiwanese, sila pa rin ang may pananagutan sa mga gawaing-bahay. Ngunit sa larangan ng trabaho, inaasahang magagawa nila kung ano ang nagagawa ng kalalakihan. Sa madaling salita, dalawang mabibigat na tungkulin ang nakaatang sa kanilang balikat.

Ang ikalawang kalagayan ay pinatutunayan ng pagtaas ng kanilang sahod, pagkakataong makapag-aral, at mga batas na nangangalaga sa kanila. Karamihan sa mga kompanya ay nagbibigay ng halaga sa kakayahan ng babae at ang mga kinauukulan ay handang kumuha ng mga babaeng may kakayahan at masuwelduhan ng mataas. Tumataas ang pagkakataon na umangat ang babae sa isang kompanya at nakikita na ring may mga babaing namamahala. Isa pa, tumaas ang pagkakataon para sa mga babae pagdating sa edukasyon. Ayon sa isang estadistika mula sa gobyerno, higit na mataas ang bilang ng mga babaing nag-aaral sa kolehiyo kung ihahambing sa kalalakihan makalipas ang 50 taon.

At ang huling kalagayan ay ang pagbabago ng mga batas para sa pangangalaga sa kababaihan ay nakikita na rin. Halimbawa, sa Accton Inc., isa sa nangungunang networking hardware manufacturer sa Taiwan, ginawa nang isang taon ang maternity leave sa halip na 3 buwan lamang. Ang gobyerno ng Taiwan ay gumagawa na ng batas sa pagkakaroon ng pantay na karapatan upang higit nilang mapangalagaan ang kababaihan.

Bilang pagwawakas, naiiba na ang gampanin ng mga babae at higit itong mapanghamon kung ihahambing noon. Ang kanilang karapatan at kahalagahan ay binibigyan na ng pansin. Ngunit hindi ito nangangahulugan na ang mga babae ay tumatanggap na ng pantay na posisyon at pangangalaga sa lipunan. Mayroon pa ring mga kompanya na hindi makatarungan ang pagtrato sa mga babaing lider nito.

Marami pa ring kalalakihan ang nagbibigay ng mabigat na tungkulin sa kanilang asawa sa tahanan. Ito ay matuwid pa rin sa kanila. Marami pa ring dapat magbago sa kalagayan ng kababaihan sa Taiwan at malaki ang aking pag-asa na makita ang ganap at pantay na karapatan nila sa lipunan.

 (posted by admin sa Free Papers: Free Essay on Women in Taiwan: Now & Fifty Years Ago) http://women-in-taiwan-essay-htm/oct.1,2013

Pagbibigay Kapangyarihan sa Kababaihang Pilipino sa Pamamagitan ng 
Estadistikang Kasarian

“Babae, pasakop kayo sa inyong asawa,” isang pahayag na hinango sa Banal na Aklat at naging panuntunan ng balana rito sa daigdig sa lahat ng panahon.

Lahat ng bagay ay nagbabago kaya nga walang permanente sa mundo. Ang dating kiming tagasunod lamang ay natutong tumutol laban sa karahasan sapagkat hindi na matanggap ang dinaranas na kaapihan. Kaniyang ipinaglaban ang sariling karapatan upang makapagpasiya sa sarili. Lakas-loob din niyang hiningi ang karapatang maisatinig ang matagal nang nahimbing na pagnanasang maging katuwang hindi lamang sa tahanan kundi maging sa paghubog ng lipunan para sa isang maunlad, matahimik at kaaya-ayang kinabukasan.

Sa ngayon, ang kababaihan ay unti-unting na ring napahalagahan. Hindi man ito maituturing na ganap dahil sa patuloy na mga karahasang pantahanan na pawang mga kababaihan ang nagiging biktima. Ang sexual harassment na madalas ay daing ng mga kababaihan ay nagdaragdag sa mga suliraning pambansa.

Ang babae ay katuwang sa pamumuhay. Hindi sila katulong na tagasunod sa lahat ng mga ipinag-uutos ng ilang nag-aastang “Panginoon”. Sila’y karamay sa suliranin at kaagapay sa mga pangyayaring nagdudulot ng pait sa bawat miyembro ng pamilya.

Tunay na ang mga kababaihan ay hindi lamang kasama kundi kabahagi sa pagpapaunlad ng bayan sa lahat ng panahon.

Marami na ring samahan ang itinatag upang mangalaga at magbigayproteksiyon

sa mga kababaihan. Ilan sa mga ito ay Gabriela, Tigil-Bugbog Hotline at marami pang iba. Patuloy ang mga samahang ito sa pakikibaka upang sugpuin ang patuloy na diskriminasyon sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan. Layunin nilang mabigyan ng edukasyon at kamulatan sa mga karapatang dapat ipakipaglaban ng mga kababaihan.

- halaw sa Sandigan I(Kalipunan ng mga Banghay-Aralin sa Pagtuturo ng Filipino ) ni Lolita M. Andrada

Photo credits: 
http://i91.photobucket.com/albums/k287/endika_fajri/010.jpg
https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEi0LWec0NGW1NGj47MvDT1PGmgw0JdfLqGqfFyHldyn965EDiyRpqfnsbcE8PzpA_o6tF1qJDvYyL_O4aPMjaozjJh_JvN0RFw0ZmwVVAhay_Slt4bcNjnFvbsppawDcxndELe2P11OIPip/s1600/Rainie+Yang-18.jpg

Linggo, Setyembre 14, 2014

Pabula: Nagkamali ng Utos


Sa malayong kaharian ng mga tutubi ay may naninirahang isang prinsesang tutubi. Siya’y bugtong na anak nina Haring Tubino at Reyna Tubina ng kahariang Matutubina. Mahal na mahal ng hari at reyna ang anak nila. Sinasabing ipaglalaban ng buong kaharian ang anumang kaapihan ni Prinsesa Tutubi.

Si Prinsesa Tutubi ay mahilig mamasyal at magpalipad-lipad sa papawirin. Lagi niyang kasa-kasama ang kaniyang mga piling dama at mga tagasubaybay na mangyari pa ay pawang tutubi rin.

Isang araw, naisipan niyang lumipad patungo sa labas ng kaharian. Ibig niyang alamin kung ano ang daigdig sa labas ng kanilang kaharian. Tumakas siya sa kaniyang mga dama at tagasubaybay. Mag-isa niyang nilakbay ang malawak na papawirin.

Maligayang-maligaya si Prinsesa Tutubi. Umaawit-awit pa siya sa kaniyang paglipad. Wiling-wili siya sa lahat ng kaniyang nakikita. Totoong naibang si Prinsesa Tutubi at hindi niya napansin ang pamumuo ng maitim na ulap sa papawirin.

Huli na nang ito ay mapuna ni Prinsesa Tutubi. Mabilis man siyang lumipad pabalik sa kaharian ay inabutan din siya ng malakas na ulan.

“Titigil muna ako sa punongkahoy na ito,” ang sabi sa sarili ng prinsesa.

Ngunit sa punongkahoy pala naman iyon ay maraming mga matsing. Pinaalis nilang pilit ang nakikisilong na tutubi. Bawat dapuang sanga ni Prinsesa Tutubi ay niyuyugyog ng mga matsing. Hindi lamang iyon. Pinagtawanan pa nila ang prinsesa.

“Kra-kra-kra! Nakakatawa. Malaki pa sa kaniyang tuhod ang kaniyang mga mata.” Malakas na na sabi ng isa. Sinundan ito ng malakas na hagikgikan ng mga matsing.

Sa laki ng galit ng Prinsesa Tutubi umuulan pa ay umalis na siya sa punongkahoy na iyon at lumipad pauwi sa palasyo. Tuloy-tuloy siya sa silid ng kaniyang amang hari. Kaniyang isinumbong kay Haring Tubino ang mga matsing. Laking galit ng hari. Nagpatawag agad ang hari ng kawal.

“Pumunta ka ngayon din sa kaharian ng mga matsing,” ang utos niya sa kawal. “Sabihin mong dahil sa ginawa nila sa aking anak na Prinsesa, gusto kong hamunin ang kaharian ng mga matsing sa isang labanan.”

Mabilis na lumipad ang inatasang kawal. Pagdapo niya sa kaharian ng mga mating ay walang paligoy-ligoy niyang sinabi ang kaniyang pakay. Malakas na tawanan ng mga matsing ang nagging sagot sa pahayag ng kawal na tutubi.

“Mga tutubi laban sa mga matsing! Ha-ha-ha-ha!” Muling nagtawanan ang mga matsing. “Nakakatawa , ngunit pagbibigyan naming anginyong hari,” ang sabi ng pinuno. “Ang mga mating laban sa mga tutubi!” Nagtawang muli ang mga matsing.

“Kailan at saan gaganapin ang labanan?” ang tanong ng pinuno.

“Bukas ng umaga sa gitna ng parang!” ang tugon ng kawal.

“Magaling! Bukas ng umaga sa gitna ng parang kung gayon,” masiglang pag-ulit ng matsing sa sinabi ng tutubi.

Bumalik sa kanilang kaharian ang kawal a tutubi at ibinalita sa Haring Tubino ang nagging katugunan ng mga matsing.

Kinabukasan naroroon na sa isang panig ng parang ang hukbo ng mga matsing. Anong daming matsing. Waring ang buong kamatsingan ay naroroon at pawing sandatahan. Bawat isa ay may dalang putol na kahoy na pamukpok.

Nasa kabilang panig naman ng parang ang makapal na hukbo ng mga manlilipad na tutubi.

“Kailangang pukpukin ninyo ang bawat makitang tutubi,” ang malakas na utos ng haring matsing.

Sa kabilang dako naman ay ibinigay na rin ng pinuno ng mga tutubi ang kaniyang utos. “Dapat nating ipaghiganti ang kaapihan ni Prinsesa Tutubi.

Kailangang magbayad ang mga matsing. “Dumapo sa ulo ng mga matsing. Kapag may panganib ay dagling luang malinaw at marahan niyang utos.

Nagsalubong sa gitna ng parang ang mga manlilipad na tutubat ang hukbo ng sandatahang matsing. Buong-buo ang pagtitiwala ng mga sandatahang matsing sa kanilang sandatang pamukpok. Matapang din naming sumunod ang mga kawal na tutubi palibhasa ay nais nilang ipaghiganti ang kaapihan ng prinsesa at ng buong kahariang Matutubina.

Nagsimula ang labanan. Dapo at lipad, dapo at lipad ang mga tutubi. Pukpok dito, pukpok doon naman ang mga matsing. Kung tatanawin buhat sa malayo ang labanan, ay wari bang matsing laban sa matsing. Nakita ng pinuno ng mga matsing ang pangyayari. Nagkamali siya ng utos. Hindi nalaman agad na sa ulo pala ng kaniyang mga kawal darapo ang maliliksing tutubi. Babaguhin sana niya ang kanyang utos, subalit huli na ang lahat. Isang kawal na matsing ang pilit na pinukpok pa ang tutubi sa ulo ng pinunong matsing. Kayat nang matapos ang labanan nakabulagtang lahat ang mga matsing. Samantala, walang sinumang tinamaan sa mga mabilis umiwas at lumipad na mga tutubi. Naipaghiganti nila ang pagkaapi ng kanilang prinsesa at ng buong kahariang Matutubina.

Photo credits: http://www.mongabay.com/images/indonesia/kalimantan/kali9369.JPG

Lunes, Setyembre 8, 2014

Pabula: Ang Sutil na Palaka

Isinalin ni Teresita F. Laxima
Mula sa orihinal na ‘The Green Frog’ isang pabulang Koreano


Noong unang panahon, may isang berdeng palaka na naninirahan sa isang lawa kasama ang inang palaka na isang biyuda.

May pagkasutil ang berdeng palaka. Hindi niya sinusunod ang mga pangaral ng ina. Kapag may sinabi ang inang palaka, kabaligtaran ang ginagawa ng berdeng palaka. Kapag sinabi ng ina na sa bundok siya maglaro, sa sapa naman siya maglalaro. Kapag sinabi ng ina na umakyat, bababa naman siya. Kapag sinabi ng ina na sa kanan, sa kaliwa siya pupunta.

Lubhang nababahala ang Inang Palaka sa pagiging sutil ng berdeng palaka. Lagi na lamang kahihiyan ang ibinibigay ng berdeng palaka sa ina.

“Bakit hindi siya tumulad sa ibang batang palaka na magalang at masunurin” Himutok ng Inang Palaka.

“Ano na ang mangyayari sa kaniya kapag ako’y nawala na? Matanda na ako at ano mang oras ay maaari akong mamatay? Kailangang gumawa ako ng paraan upang maputol na ang pagiging sutil niya,” sunod-sunod na nausal ng ina sa sarili.

Araw-araw ay pinangangaralan ng Inang Palaka ang berdeng palaka tungkol sa kabutihang-asal subalit patuloy na binabale-wala ng berdeng palaka ang pangaral ng Inang Palaka. Nagpatuloy pa rin ang berdeng palaka sa pagiging sutil.

Hanggang sa dumating ang panahon na naramdaman ng Inang Palaka na siya’y mamamatay na. Tinawag niya sa kaniyang tabi ang berdeng palaka at kinausap ito ng masinsinan. Ibig ng Inang Palaka na mailibing siya nang maayos sa bundok. At dahil sa alam niya ang ugali ng berdeng palaka na kabaligtaran ng kaniyang bilin ang gagawin nito, pinili ng Inang Palaka ang mga salitang gagamitin niya sa pagkausap dito. Hindi niya sinabi sa berdeng palaka ang totoong nais niyang mangyari. Sa halip, iniba niya ang bilin sa berdeng palaka.

“Kapag namatay na ako, ilibinga mo ako sa sapa, huwag mo akong iibing sa bundok,” sunod-sunod na bilin ng ina sa berdeng palaka.

Nakikinig nang buong kapanglawan ang berdeng palaka sa ina habang ito’y nakayuko.

“Ipinangangako ko ina, gagawin ko ang bilin mo.” Paniniyak ng berdeng palaka sa ina.

Pagkaraan ng apat na araw namatay ang Inang Palaka. Ganoon na lamang ang pagsisisi ng berdeng palaka. Alam niya na siya ang dahilan ng maagang kamatayan ng ina.

“Patawad ina, patawad! Dahil sa pagiging suwail ko, lagi ka na lang nagdaramdam sa akin kaya ka nagkasakit at maagang namatay,” paninisi ng berdeng palaka sa sarili.

“Susundin ko ina ang bilin mo sa akin na ilibing ka sa pampang ng ilog,” wika ng berdeng palaka.

At kahit alam ng berdeng palaka na hindi tama na ilibing sa pampang ng ilog ang ina dahil sa mabilis at malakas ang alon, baka maanod ang libingan ng ina at dahil sa ito ang bilin, inilibing niya sa pampang ang namatay naina. Kapag malakas ang ulan, binabantayan niya ang libinga ng ina. Nagdarasal siya ng taimtim na nawa’y huwag lumaki ang alon baka matangay nito ang libingan ng ina.

Subalit, tulad nang dapat asahan, dumating ang ulang habagat at tumaas at lumaki ang alon, naanod ang libingan ng Inang Palaka.

Ganoon na lamang ang hagulgol ng berdeng palaka. Naupo ito sa ilalim ng malakas na ulan at doon nagpatuloy sa walang humpay na pag-iyak dahil sa nangyari sa libingan ng ina.

Ito ang dahilan, ayon sa marami kung bakit tuwing umuulan, umiiyak ang berdeng palaka.

Photo Credits: http://upload.wikimedia.org/wikipedia/commons/e/e9/Litoria_phyllochroa.JPG